Thursday, January 10, 2019

Ay Kompes

Dahil sa napipintong pagbabago sa aking skedyul ay mababawasan ang panahon ko sa pakikipagkulitan sa inyo mga kapwa ko utak newbie. Ninais ko rin gumawa ng isang sistema ba pwede kong ibahagi. Ngunit, kagabi at nitong umaga lang ay nakita kong hindi epektibo ito para sa mga gustong palaguin pa ang kanilang imbestment.

Ano ba ang ninais kong gawin. Naisip ko lang na, paano kaya kung isang indicator lang ang gagamitin? Kahit paano ba ay mas makakalikom ng Unit Invesment kaysa lumpsum, PCA o wala ring kaibahan? Sa aking palagay, mas makakabuti ang lumpsum kung kabisado na natin ang galaw ng merkado. Kahit malapit lang sa bottom, sa tingin ko ay mas malaki ang potential return kaysa PCA. Ngunit, doon ang malaking katanungan. Paano tayo makakabili doon? Sapat na ba ang isang indicator? O "the more the manier"? Ang problema kapag isa, pwedeng hindi sapat. Pero kung dadamihan naman, baka maubos ang oras sa "analysis".

Sinubukan kong gamitin ang CCI at kinumpara sa average ng 2018. Ang sistema - 1) bibili ako kinabukasan kung bumaba sa -100 ang CCI ngayon, 2) parang sa (1) pero -200 ang basehan, 3) average ng isang taon.

Ito ang kinalabasan.

  1. Sa 67 na subscription, pumalo ang average sa 7696.18
  2. Sa 10 na subscription, pumalo ang average sa 7742.88
  3. Sa 244 na trading days ng 2018, pumalo ang average sa 7743.70

Samakatuwid, hindi sapat ang CCI. Ang kagandahan nga lang ay may papergain ka na kung umabot na tayo sa 8000 ng PSEi.

Mainam ring balikan ang mga sumusunod na post at tingnan kung kumusta na kaya kung totoo ang mga "fictitious buys". Kung gain na ba sila at kung magkano na.

Imbes - In Tranches

Imbes - Peso Cost Averaging (PCA)

Imbes - Lump-Sum

Salamat, mga ka utak newbie. Sana kahit paano ay nakatulong ako sa inyong "journey". Sana tulungan niyo rin ang iba. Ipasa natin ang naitulong ng iba. Makikipagkulitan pa rin ako sa UITF FB Group aa abot ng aking makakaya. 🐻☕ Hanggang sa muli.

Wednesday, January 9, 2019

Ano ang better bank for UITF?

Ang better bank ay... sekreto. :D Pero kahit best bank, wala rin akong maisagot kung wala tayong tinitingnang criteria. Ano ba ang hinahanap mo sa isang UITF?

Para maging simple ang blogpost na ito, magpokus ako sa Equity Fund UITF at magbabanggit lang ako ng ilang banko. Isaisahin natin ang mga criteria at isasama ko lang ang mga banko na napagtanungan o naitanong ko na dati.

Unang Pamantayan - Holding Period

Ito yung haba ng panahon na hindi mo maaaring bawiin ang investment mo nang walang charge. Ang Equity UITF ng Security Bank (SB) at Bank of the Philippine Islands (BPI) ay walang holding period. Ibig sabihin, pwede mong bawiin o iredeem ang ininvest mo, kinabukasan ng walang early redemption charge. Sa Philippine National Bank (PNB), Banco de Oro (BDO) at Landbank of the Philippines (LBP) naman ay may 30 calendar days na holding period. Pwede namang iredeem ang investment mo kahit hindi pa natatapos ang 30 calendar days, pero may early redemption charge.

Ikalawang Pamantayan - Settlement Period

Ito yung haba ng panahon bago mapunta sa settlement account (savings account) mo ang naredeem mo. Ang BPI, PNB, at LBP ay may settlement period na 3 banking days (banking days - di kasama ang weekend at holidays), samantalang 4 banking days naman sa SB at BDO.

Pangatlong Pamantayan - Online Facility

Ito yung pwede kang magtransact online. Sa PNB ay pwedeng online lahat, mula application (kasama ang risk assessment), opening, subscribe at redeem. Ganun din YATA sa BDO. Sa BPI, sa pagkakaalam ko ay on-the-counter pa rin ang application, kailangan mo pa ring magpunta sa banko, ang ibang transaction ay online na kasama ang opening ng karagdagang UITF sakaling mapagdesisyonan mong magbukas ng money market fund, pagkatapos makapagbukas ng equity fund. Sa SB naman ay subscribe at redeem lang ang online. Kung gusto mong magbukas ng ibang klase ng UITF, kailangan mo ulit magpunta sa banko. Samantalang sa LBP ay on-the-counter ang lahat ng transaction. Subscribe? Takbo sa LBP. Redeem? Takbo sa LBP. Para mahabol ang cut-off time.

Pangapat na Pamantayan - Cut-Off Time

Ang oras na ito ang kung kailan makakahabol ka sa end-of-day (EOD) market value. Kung di mo maabutan, kinabukasang EOD market value na ang makukuha mo. Para sa nakakarami, mas maigi kung mas matagal ang cut-off time, para makapagisip pa ng maigi... o para lalong malito. :D Pero kung kaya mo namang magdesisyon base sa halaga ng PSEi sa pagbubukas pa lang, hindi malaking bagay ang cut-off time sayo. Ang BDO at BPI ay sa 2:30PM pa. Mas maaga naman ng kaunti ang SB sa 1:30PM (kung kailan katatapos lang ng market recess, yung kainan ba :D ) Mas maaga ang PNB sa 1:00PM at pinakamaaga sa napagtanungan ko ang LBP sa 12NN.

Panglimang Pamantayan - Performance

Magpunta lamang sa www.uitf.com.ph para sa year-on-year at year-to-date performance. Pindot-pindot lang kayo doon (dahil antok na ako... at dahil lagi naman yun nagbabago :D )

At Iba Pa

May mga iba pang pwedeng makagulo... este... makatulong sa pagdedesisyon na, sa aking opinyon ay pang-honorable mention na lang. Tulad ng initial investment at minimum additional investment. Pwede ring makita sa www.uitf.com.ph iyan. Karaniwan ay nasa 10,000.00 yan. Andiyan din ang trust fee, pero nakakasama na yan sa pagkompyut sa NAVPU kaya wag na guluhin ang sarili pa. Hanggang sa muli. Sana nakatulong kahit kunti ang inyong utaknewbie.

DISCLAIMER: Ang karamihan sa mga nasasaad dito ay sariling opinyon ng utaknewbie kaya hindi bastabasta pinaniniwalaan. Ganun din, maaaring may mga impormasyong hindi sakto sa katotohanan. Mangyaring bisitahin ang mga link para sa mga naturang impormasyon o magsaliksik.

Anong magandang UITF?

Kung ang UITF Facebook Group ay nagiingay, maraming gusting sumubok at napapatanong ng:

  1. Saang banko pwedeng maginvest ng UITF?
  2. Aling banko ang maganda?
  3. Anong magandang UITF?

At dahil sa mga susunod na araw ay busy na ang utak newbie, subukan kong sagutin sa abot ng aking makakaya.

Saang banko pwedeng maginvest ng UITF?

Halos lahat ng commercial at universal bank ay may UITF Department (Trust Banking Group - TBG). Kaya kung may savings account ka na sa isang banko, maigi na ring doon ka maginvest ng UITF. Pero para makasiguro, tingnan ang listahan sa www.uitf.com.ph sa pinakababang bahagi na may pamagat ng “Member Banks”.

Aling banko ang maganda?

Sa aking opinyon, mas maigi sa banko kung saan may savings account ka na. Tandaan na sa pagbubukas mo ng UITF Account ay kailangan mo ng settlement account – kahit aling deposit account yun. Pero, pwede rin naman magbukas sa ibang banko. Pwedeng isabay mo ang pagbubukas ng savings account, na magsisilbing settlement account mo, at ang UITF Account. Tulad ng ginawa ko sa Security Bank. Mas mahalagang alamin kung anong klase ng UITF ang pipiliin mo o akma sayo. Pagkatapos ay alamin mo kung aling banko ang may magandang annual return sa mga nakaraang taon. Pero tandaan na walang kasiguraduhang makakamit muli ang historical performance.

Anong magandang UITF?

Nakadepende sa risk tolerance mo ang akmang UITF sayo. Malalaman mo kung anong akma sayo pagkatapos mong sumagot sa isang survey na gagawin sa banko. Pwedeng conservative, moderately aggressive, o aggressive ang makukuha mong risk tolerance. Ang ibig lang sabihin ng risk tolerance ay hanggang ilang porsyento ang kaya mong mawala sa kapital mo. Pero tandaan din na kung mas mataas ang risk ng isang UITF ay mas mataas din ang potential return nun.

Isa pa, may kinalaman din umano ang time horizon sa risk tolerance. Mas mataas daw na risk tolerance, mas matagal ang time horizon. Kaya mapapansin mo na ayun sa iba, ang aggressive fund ay panglongterm at ang conservative fund ay pangshortterm. Pero, iba ang opinyon ko dyan. Kahit panglongterm ang nais ko, malaking tulong pa rin ang conservative fund at hindi rin ibig sabihin na wala akong gagawin sa aggressive fund ko. Ngayon, isaisahin ko ang ilang UITF Fund at ikwento base sa opinyon ko. Marami nang blog ang nagsasabi kung anu-ano sila pwede mo iGoogle ang “Types of UITF”, kaya ibahin mo ito. Sana nga maiba.

Money Market Fund (MMF). Nakainvest ang pera mo sa mga high-yield deposit products. Kaya kung plano mo lang mag time deposit na may maturaty date na napakatagal, pwede na ito. Halos paakyat ito lagi. Bihira ka makakakita ng bumababang MMF. Pero syempre, maliit lang kikitain mo dito. Subukan mong tingnan ang performance noong 2018 dito: UITF Money Market Fund 2018 Performance.

Bond Fund – Government Securities and/or Corporate Bonds (BF). Nakainvest naman ito sa mga pautang sa gobyerno at mga korporasyon. Di ako tagatangkilik nito dahil di ko masyado alam ang galawan. Pero base sa kunting kaalaman ko dito, pwede mong bantayan ang mga anunsyo ng Banko Sentral ng Pilipinas kung sila ay magtataas ng interes o hindi sa mga susunod na panahon. Tandaan na kapag nagtaas sila ng interes, bababa ang halaga ng BF mo (kawawa naman ang mga girls). Tataas naman ang halaga ng BF mo kung bababa ang interes. Kaya kung BF ang gusto mo, sa tingin ko pumasok ka kapag stable na – di gaano tumataas o bumababa ang interes. Tingnan ang performance noong 2018 dito: UITF Long Term Bond Fund 2018 Performance.

Equity Fund (EF). Sa stocks naman nakainvest ito. Kung Philippine Index Fund, ibig sabihin halos sumusunod lang sa galaw ng (Philippine Stock Exchange Index / Composite) PSEi ito. Itong klaseng UITF na ito talaga ang nagpapaingay sa UITF Facebook Group, maniwala ka. Meron ding ibang equity fund, kung saan malaya ang TBG na pumili sa mga stocks. Meron ding sa isang klase ng stocks – consumer, high-dividend at iba pa. Meron akong Non-index Equity Fund, pero plano kong magbukas ng Index Equity Fund para magkaroon ng magandang posisyon base sa galaw ng PSEi. Tingnan ang performance noong 2018 dito: UITF Equity Fund 2018 Performance.

Balanced Fund (BEF). Magkahalong Bond Fund at Equity Fund, depende ang alokasyon sa TBG. Hindi rin ako tagatangkilik nito, hindi lang dahil sa hindi ko gaano alam ang galawan ng Bond Fund, pero dahil din sa maghihilaan ang Equities at Bonds. At kahit sabay umakyat ang dalawang ito, hihilain pa rin ng Bonds ang Equities. Yung kikita ka na sana ng 20% sa Equities, magiging 15% pa kung 10% lang ang Bonds sa 50-50 na BEF. Kung pababa naman ang Equities, pwede naman suportahan ng Bonds ang buong BEF. Tingnan ang performance noong 2018 dito: UITF Balanced Fund 2018 Performance.

Kaya sa lahat ng ito, dalawa lang talaga ang paborito ko – MMF at EF. Sana nakatulong.

DISCLAIMER: Ang karamihan sa mga nasasaad dito ay sariling opinyon ng utaknewbie kaya hindi bastabasta pinaniniwalaan. Ganun din, maaaring may mga impormasyong hindi sakto sa katotohanan. Mangyaring bisitahin ang mga link para sa mga naturang impormasyon o magsaliksik.