Wednesday, January 9, 2019

Ano ang better bank for UITF?

Ang better bank ay... sekreto. :D Pero kahit best bank, wala rin akong maisagot kung wala tayong tinitingnang criteria. Ano ba ang hinahanap mo sa isang UITF?

Para maging simple ang blogpost na ito, magpokus ako sa Equity Fund UITF at magbabanggit lang ako ng ilang banko. Isaisahin natin ang mga criteria at isasama ko lang ang mga banko na napagtanungan o naitanong ko na dati.

Unang Pamantayan - Holding Period

Ito yung haba ng panahon na hindi mo maaaring bawiin ang investment mo nang walang charge. Ang Equity UITF ng Security Bank (SB) at Bank of the Philippine Islands (BPI) ay walang holding period. Ibig sabihin, pwede mong bawiin o iredeem ang ininvest mo, kinabukasan ng walang early redemption charge. Sa Philippine National Bank (PNB), Banco de Oro (BDO) at Landbank of the Philippines (LBP) naman ay may 30 calendar days na holding period. Pwede namang iredeem ang investment mo kahit hindi pa natatapos ang 30 calendar days, pero may early redemption charge.

Ikalawang Pamantayan - Settlement Period

Ito yung haba ng panahon bago mapunta sa settlement account (savings account) mo ang naredeem mo. Ang BPI, PNB, at LBP ay may settlement period na 3 banking days (banking days - di kasama ang weekend at holidays), samantalang 4 banking days naman sa SB at BDO.

Pangatlong Pamantayan - Online Facility

Ito yung pwede kang magtransact online. Sa PNB ay pwedeng online lahat, mula application (kasama ang risk assessment), opening, subscribe at redeem. Ganun din YATA sa BDO. Sa BPI, sa pagkakaalam ko ay on-the-counter pa rin ang application, kailangan mo pa ring magpunta sa banko, ang ibang transaction ay online na kasama ang opening ng karagdagang UITF sakaling mapagdesisyonan mong magbukas ng money market fund, pagkatapos makapagbukas ng equity fund. Sa SB naman ay subscribe at redeem lang ang online. Kung gusto mong magbukas ng ibang klase ng UITF, kailangan mo ulit magpunta sa banko. Samantalang sa LBP ay on-the-counter ang lahat ng transaction. Subscribe? Takbo sa LBP. Redeem? Takbo sa LBP. Para mahabol ang cut-off time.

Pangapat na Pamantayan - Cut-Off Time

Ang oras na ito ang kung kailan makakahabol ka sa end-of-day (EOD) market value. Kung di mo maabutan, kinabukasang EOD market value na ang makukuha mo. Para sa nakakarami, mas maigi kung mas matagal ang cut-off time, para makapagisip pa ng maigi... o para lalong malito. :D Pero kung kaya mo namang magdesisyon base sa halaga ng PSEi sa pagbubukas pa lang, hindi malaking bagay ang cut-off time sayo. Ang BDO at BPI ay sa 2:30PM pa. Mas maaga naman ng kaunti ang SB sa 1:30PM (kung kailan katatapos lang ng market recess, yung kainan ba :D ) Mas maaga ang PNB sa 1:00PM at pinakamaaga sa napagtanungan ko ang LBP sa 12NN.

Panglimang Pamantayan - Performance

Magpunta lamang sa www.uitf.com.ph para sa year-on-year at year-to-date performance. Pindot-pindot lang kayo doon (dahil antok na ako... at dahil lagi naman yun nagbabago :D )

At Iba Pa

May mga iba pang pwedeng makagulo... este... makatulong sa pagdedesisyon na, sa aking opinyon ay pang-honorable mention na lang. Tulad ng initial investment at minimum additional investment. Pwede ring makita sa www.uitf.com.ph iyan. Karaniwan ay nasa 10,000.00 yan. Andiyan din ang trust fee, pero nakakasama na yan sa pagkompyut sa NAVPU kaya wag na guluhin ang sarili pa. Hanggang sa muli. Sana nakatulong kahit kunti ang inyong utaknewbie.

DISCLAIMER: Ang karamihan sa mga nasasaad dito ay sariling opinyon ng utaknewbie kaya hindi bastabasta pinaniniwalaan. Ganun din, maaaring may mga impormasyong hindi sakto sa katotohanan. Mangyaring bisitahin ang mga link para sa mga naturang impormasyon o magsaliksik.

No comments:

Post a Comment